19
Nov
07

Twelve days of Christmas

Christmas Myspace Dividers

From Confessions ni Ella posted December 20, 2005

“On the twelfth day of Christmas my true love gave to me…”. Medyo malaki na ako nang malaman ko na kanta pala ‘yon. Akala ko inimbento lang ‘yun ng nanay at tatay ko. Kasi ‘nung maliit pa ako (hindi pa yata ako nag-aaral), may regalo sa tabi ko paggising ko tuwing umaga. Labindalawang araw ‘yun hanggang pasko. Marunong na akong magbilang bago pa ako pumasok sa eskuwela.

May manikang plastik na hubad na tatlong piraso lang yata ang hibla ng buhok sa unang araw, maliit na bolang plastik na hindi ko alam kung anong gagawin ko sa kanya, isang bungkos na goma sa pangatlong araw, sandamukal na plastic baloon sa ikaapat, at minsan pan de monay na may palamang latik. Siguro nagkataong walang pera sina nanay kaya ‘yung almusal ko ginawa na lang regalo.

Siyempre, ipagyayabang ko ‘yun sa mga kalaro ko. Para naman silang mga engot na magtataka kung bakit wala silang ganoon. Sa pagkakataong ‘yun, feeling ko extra special na bata ako sa mata ni Jesus. Biruin ‘nyo, labindalawang regalo tapos big time ‘yung ika-huli. Big time kasi marami nang buhok ‘yung manika ko at meron nang suot na damit. Pumipikit ang mga mata ‘pag hinihiga at kulot pa ang buhok, ha!

Pagdating ng araw ng Pasko, ako naman ang maiinggit. Kasi hindi dumaan si Santa Claus sa bahay namin. Sabi ng mga kalaro ko, salbahe daw kasi ako kaya wala akong regalo galing kay Santa. Kapag batang paslit ka at sinabihan ka ng ganoon (may pruweba naman dahil sila may regalo, ikaw wala), alam mong ang kaluluwa mo ay tiyak na mabubulid sa impiyerno sa kasalbahihan mo hehehe.

Isang Pasko, hindi na ako nakatiis, tinanong ko si Nanay kung salbaheng bata ako kasi iniisnab ako ni Santa. Ang sagot sa akin ng nanay kong may pagka-mahadera rin (sumalangit nawa ang kaluluwa niya), “Sinong santa, anak? Si Santa Maria, Santa Ana o Santa Santita?” Napatanga na lang ako sa aking magulang.

Maya-maya, nang mahimasmasan ako, sabi ko sa kanya, “Si Santa Claus, ‘Nay!”

“Aaah, ‘yung mamang mataba na may balbas”, seryosong sagot ni Nanay sa akin. “Anak, lalaki ‘yon, Santo Klos ang pangalan noon. Peyri teyls lang ‘yun, Ella. Kuwentong kutsero. Hindi totoo ‘yun. Niloloko lang ng mga peyrents nila ang mga kalaro mo!”

“Pero, may regalo sila, ‘Nay, nakita ko! Galing daw ‘yun kay….Santo Klos!”

“Ella, sa kanila din galing ‘yun! Hindi ko naman alam kung bakit kailangang lokohin pa ng mga nagulang ang mga anak nila, hmp!”

“Walang Santo Klos?”

“Kailan ba ako nagsinungaling sa iyo, anak?”

Dear readers, hindi nga nagsinungaling sa akin ang nanay ko kahi’t kailan. Ang natutunan ko sa kanya nang araw na iyon ay naging gabay ko sa buhay. “The truth will always set you free“. Hindi na ako nainggit sa mga kalaro ko kasi wala naman pala akong kaiinggitan. May isa pang sinabi ang nanay ko sa akin, “Hindi ka pa ba nasisiyahan sa mga regalong natanggap mo, anak?”

Be thankful for what you are or what you have, because the person next to you might be going through life without eyes or legs or arms”.

Tama si Nanay, may twelve days of Christmas na ako, bakit pa ako hihingi ng regalo kay Santo Klos? Sa mga batang walang nanay at tatay na lang niya iyon ibigay.


3 Responses to “Twelve days of Christmas”


  1. 1 batang palaboy
    November 19, 2007 at 3:18 pm

    maganda sariwain mga kwentong ganito mayuming ella buti at nakatago pa sa baul mo ang post mo nito sa 88 hihi, maraming aral mapupulot ng readers dito isa na rito siguro ay hindi masusukat ang saya ng pasko ng isang tao sa dami at gara ng regalo na matatanggap nya, mas importante yung gaano mo naipadama ang pagibig at pagpaphalaga sa mga minamahal mo ng bukal sa iyong kalooban, kaya sa mga inaanak ko ngayong pasko tig isa muna kayong lata ng piknik ha pag pasensyahan nyo muna si ninong!:D

  2. 2 ris
    November 25, 2007 at 7:36 am

    ella, happy birthday :D

    alamo, ang swerte mo nga talaga dahil may 12 gifts ka talaga nung bata ka. ako, sa kanta ko lang alam yun! hehe. hindi rin kasi fan ang parents ko ng mga traditional and foreign christmas chenes. :D

  3. November 25, 2007 at 7:59 am

    oo ako wala nitong 12 gifts… ang cool pala noh magawa kaya sa future baby ko.. kaya lang manikang tatlong piraso ang buhok hahaha meron ba nun.


Leave a Reply




…and your comments make my day

ella

My Other Site

baul ng kuwento

counter create hit
Watch videos at Vodpod and other videos from this collection.

Categories

Mga bisita

  • 92,656 hits